Palihis ang iyong buhos
Binabasa ang yerong bubong
Ng aming bahay.
Bubong na iyong tinatamaan,
Lumilikha ng ingay.
Nakikita kitang kasayaw
Ang hanging sa mga dahon
Sa puno’y siya ring nagpapagalaw.
Pinagmamasdan kita mula sa
Bintana, kung saan ako nakadungaw.
Hindi ko alam kung ang
Himig mo’y musika.
Basta’t ito’y nakahahalina.
Binitiwan ko ang aking aklat
Upang pakinggan ka.
Tila ka maninipis na sinulid
Mula sa kalangitan.
Naghahatid ng lamig sa amin
Sa panahong maalinsangan.
Hanap ko’y ginhawa, ako’y pinagbigyan.
Hatid mo sa mga halama’y
Tubig na pamatid-uhaw.
Pamalis ng dusang
Dulot ni Haring Araw.
Binhi’y uusbong, sisibol ang pag-asa.
Ngunit ‘pag nariyan ka,
Abo ang kalangitan.
Maputik ang kalsada.
Gayunpaman, sa kabila nito,
Ika’y biyayang kaloob ni Bathala.
-Katherine Lopez
23 Hulyo 2006
No comments:
Post a Comment